Sabado, Nobyembre 9, 2013

Karma


Lahat tayo masasaktan ng kung sino mang tao sa isang punto ng mga buhay natin, daraan tayo sa mga panahong magmumukmok tayo sa isang tabi, kasama ng barkada, magpapakalango sa alak at magmimistulang tanga at mukhang gago sa harap ng madla.

Pero paano kung baliktarin ang sitwasyon?.. paano kung ikaw ang ilagay sa sapatos ng taong nanakit sayo? Katulad ng sitwasyong masasaktan tayo, darating din ang panahon na tayo ang mananakit o makakasakit sa iba, na tayo ang magiging dahilan ng kalungkutan at pagmukhang tanga ng iba.

Darating ang oras na gugustuhin nating maglaro, landi dito, landi diyan, tira dito, tira doon. Dadating ang panahon at makakakilala ka ng tao na tanga at kakagat sa mga style mong bulok. Paasa dito, paasa diyan, painosente at desente sa labas, libog na libog at tigang na tigang sa loob.

Aminin natin, sa mga panahong ganon, hindi mo na iisipin kung ano ang nararamdaman o kung ano ang kahihinatnan pagkatapos mong gawin ng mga bagay na pinapantasya mong gawin at malamang lamang ay gagawin mo maya maya diyan sa kaharap mo.

Lahat ng trip niya, trip mo din kunyari, lahat ng patawa niya nakakatawa kahit hindi naman talaga, lahat ng kwento at mga walang kwentang bagay na sinasabi niya pakikinggan mo, ikaw itong si sige lang ng sige, nagpapanggap na interesado sa mga salitang lumalabas sa bibig niya pero sa loob mo, gusto mo nang matapos ang inuman at iuwi na siya sainyo.

Uuwi kayo o pupunta sa isang lugar na kayong dalawa lang para “magpawala ng tama” “tumambay” o kaya naman ay “magpahinga” pero alam naman natin kung ano ang kahihinatnan ng mga bagay.

Walang emosyong madadamay, hindi pa handa sa relasyon, nadala ng alindog, lasing lang at kung ano pa mang mga sentimyentong maglulusot sayo dahil malamang sa malamang walang kung ano mang ibig sabihin para sayo ang ginawa mo, ngunit dun sa isa, meron.

Pagkatapos ng lahat, gigising kayong magkatabi, bola bola konti, magbibihis, halik dito halik diyan tapos hatid na doon.

Pagkatapos? Kalimutan na na parang walang nangyari. Iwas iwas o kaya naman tratuhin ang tao na tinuring mo lang talaga siyang laruan nung gabing yun at magmistulang bato na nagmamaangmaangan sa katotohanang nasasaktan at hindi komportable yung isa sa ginawa mong pagtrato sakanya matapos niyang maghubad at bumukaka sa harap mo.

Feeling mo ang strong mo at chikboy ka, cool at astig dahil naka score ka nanaman, siguro sa simula oo. Pero ang matindi pag binalikan ka na ng karma.
Ngayon balik tayo sa simula, yung parte na nasasaktan ka, na para bang kasalanan ng mundo lahat ng nangyayaring hindi maganda sa buhay mo. Isipin mong mabuti yung mga bagay na nagawa mo at yung mga taong nasaktan mo. Kwits na ba? Lugi ka ba o grabe na?..

Darating sa punto na ikaw uli ang masasaktan, ikaw ang ibabasura ng kung sino mang trip mo at ayaw sayo, na ikaw ang babalewalain at hindi papansinin. Ang sakit diba?.. siguro ganito o marahil mas malala ang naramdaman nila nung ikaw ang nanakit sakanila..

Ang pinakamasakit? Hindi mo makuha ang taong gusto mo at nakita mong masaya na sa buhay nila ang mga taong sinaktan mo, dadaplis kahit papano sa utak mo na kung nagtino ka at sineryoso mo ang kung sino man sakanila, marahil ay ikaw ang nagbibigay ng ligaya sakanya ngayon at siya din sayo, pero wala, sa simula masarap at ang okay ang pakiramdam, feeling mo ang laking bagay mo sa buhay nila, siguro dati oo, pero ang katotohanan, isa ka nalang memoryang magpapatunay sakanya na talagang may mga taong sadyang gago sa mundong ito.

Darating din ang oras na ikaw mismo gugustuhin mo manghingi ng tawad at paumanhin doon sa mga taong nasaktan mo, hindi natin alam kung kakausapin o pakikinggan ka pa nila o kung makikita mo pa sila o kung ano pa man. Sa kabila ng lahat, maniwala man sila o hindi, makinig man sila o hindi, malaman man nila o hindi, alamin mo nalang sa sarili mo na minsan sa buhay mo, nasaktan ka at naintindihan mo na kung ano ang pinaramdam mo sakanila dati at na sa kalooblooban mo, hindi mo man maamin ay ginusto mong humingi ng paumanhin sa mga katarantaduhang nagawa mo, kahit alam naman na nating huli na ang lahat.

Masakit talagang balewalain ng taong ginugusto mo, na lahat gusto mo ibigay, lahat gagawin mo, magmukha ka nang tanga at lahat mapakita lang na gusto mo siya, pero sa huli hindi ka man lang niya pinapansin o kaya nama’y dinedeadma ka lang.

Marahil yun ang karma, yung pakiramdam na nung handa ka nang magseryoso at na gusto nanng magpaligaya ng iisang tao, ngunit hindi ka pinapansin, at yung mga taong gusto kang paligayahin at hindi mo pinansin at binalewala mo dati, maligaya na sa iba ngayon at wala nang pakialam sayo.

Karma. Saklap.

Kaya siguro nandyan ka’t nagiisa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento